Wika bilang Salapi ng Kolonyalismo, Wika bilang Armalite ng Rebolusyunaryong Pagbabago

Kape Katalog
6 min readMar 27, 2022

Ang wikang Filipino ay kaugnay sa mga aspektong bumabagtas sa lahat ng katangiang kultural, pulitikal, at ekonomikal ng lipunang Pilipino. Ito ay ang wikang sumasalamin sa ating pambansang kultura, pambansang diskurso, at pambansang pagkakakilanlan. Ito ay wika ng ordinaryong Pilipino — wikang sinasalita ng mga manggagawa at magsasaka, maralitang-lungsod, at pamabansang minorya. Ang wikang Filipino ay naratibo ng masang nakikibaka, wika ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan, at wikang repleksyon ng lumalakas, lumalawak, at lumalabang kilusang mamamayan.

Ipinakita sa dokumentaryong “Sa Madaling Salita” ni Dr. Rommel Rodriquez ang mahalagang gampanin ng wikang Filipino sa intelektwal na pag-unlad ng lipunang Pilipino, sa pagpapataas ng pulitikal na kamalayan, sa paghubog ng makabayang identitidad, sa pagsulong ng pambansang demokrasya na kumikiling sa interes ng batayang masa, sa pag-unawa ng kolonyal na kasaysayan, pagkilatis sa mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan, sa pakikibaka laban sa imperyalismo, lokal na pyudalismo, at burukrata-kapitalismo, at lalo na sa pagpapalaya ng sambayang tungo sa pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba. Ika nga ni Constantino, “Ang wikang Filipino ay wikang mapagpalaya. Ito ang magiging wika ng tunay na Pilipino” (Constantino, Intelektuwalismo at Wika, 1996). Ang pamagat ng sulating ito ay “Wika bilang Sapali ng Kolonyalismo, Wika bilang Armalite ng Nasyunalismo” dahil wika ang naging salapi ng mga kolonisador para sakupin ang kaisipan ng mga Pilipino, ngunit sa kabilang banda ay ito rin ay armalite rin na armas upang isulong ang pambansang pagkakakilanlan.

Ayon sa panayam kay Pamela Constantino sa dokyumentaryo, nagagamit rin ang wika upang hindi makipagkomunikasyon nang maayos. Ani niya, nagiging daluyan na ito ng ideyolohiya upang ipakita na ikaw ay superior sa iyong kausap. Sa madaling salita, ang wika ay instrumentro na rin ng kolonyalismo. Sa pagsipi kay Althusser (1971), isang Marxista, batid niya na mas madaling mag-indoktrina ng konserbatibong ideyolohiya sa mga kabataan, walong oras araw-araw sa isang linggo, nang hindi ginagamitaan ng dahas at pananakot. Sinang-ayunan naman ito ni Constantino dahil ayon sa kanya, ang pinakamabisang modernong paraan ng pananakop ay hindi na sa tagumpay military — na pinatunayan na ng Digmaang Pilipino-Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdi — kundi ang paghubog ng kaisipan ng mga sasakupin nito (Constantino, 1966). Gaya ng sabi ni Pamela Constantino, and sinasalitang wika ang naging makabagong instrumento upang epektibong palaganapin ang kolonyalismo sa mga bansang sasakupin nito — “pasipikasyon” kumbaga (Lumbera, Guillermo, & Alamon, 2007). Maski sa nobelang “Noli Me Tangere” ni Rizal, ang isang katibayan na lengwahe ng namamantala ang dayuhang wika nang pingkakaitan ang mga Pilipino ng mga Kastila ng wikang Espanyol upang ang sila ay maipuwera sa alta sosyedad at mapigilan ang anumang pag-aaklas na maaaring umusbong kapag naunawaan ng mga mamamayan ang kanilang mga nais isagawa na plano.

Totoo ito dahil mula noon, hanggang ngayon, maraming beses nang sinubukang patayin ang pag-aaral ng Filipino at paggamit ng wikang Filipino sa mga paaralan. Matatandang naglabas ng CM 20[1] o CHED Memorandum 20 ang Commission on Higher Education na naglalayong tanggalin ang kursong Filipino, Philippine Government, at Constitution bilang Mandatory General Subjects sa kolehiyo. Panahon pa lang ni Gloria, sinubukan nang burahin ang Filipino sa ilalim ng EO 210[2] na layong bawasan ang oras ng Filipino sa Basic Education Curriculum at gawing 70% ang kabuuang bahagi ng Ingles sa pag-aaral mula sa dating 45% lamang. Para sa kanya, malaki ang ambag ng mga contract workers sa ekonomiya ng bansa, o mga kontraktwal na manggagawang Pilipino na nakakapagsalita ng Ingles.Katuwang pa rito ang panukala noong Gullas Bill[3] o House Bill 8460 na tuluyang pagpapalit ng midyum ng instruksyon sa Ingles imbis na Filipino sa lahat ng antas. Sa explanatory note ng panukalang batas, mapapansin na sinisisi[4] pa ang wikang Filipino sa kawalan ng kakayahan ng mga Pilipino na umunawa ng matematika at agham.

Maraming manipestasyon ang kolonyal na ganansya sa kasalukuyang burgis na edukasyon. Sa kasalukuyan, mismong mga Pilipino ay hindi nagkakaintindihan sa sariling wika. Isang palatandaan nito ang problema sa tamang paggamit ng nang at ng. Kolonisado na mag-isip ang mga guro na maski ang pagtuturo ng Filipino ay nakaayon parin sa pagtuturo ng English — na kailangang may paksa at panaguri upang makabuo ng isang kumpletong kaisipan sa pangungusap. Sa katunayan, magkaiba talaga ang syntax ng Filipino at English. Dahil kinalakihan na ng mga Pilipino na maki-ayon sa dikta ng kolonyal na edukasyon, bumababa na ang katayuan ng wikang Filipino sa paaralan. Sa ilalim ng K-12, nakatuon ang mga kurso sa pagiging “globally-competitive” ng mga estduyante ngunit ang katotohanan ay ang kolonyal at komersyalisadong isekmang ito ay naglalayon lamang na magprodyus na murang lakas-paggawa na ikakalakal sa lokal at dayuhang kapital. Kumbaga, ani Guillermo sa dokumentaryo, nakakaling ang kasalukuyang edukasyon sa kung papaano mo ibebenta nang mabisa ang mga estudyante na naka-hanay ayon sa mga pangangailangan ng mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon at pandaigdigang pamilihan. Ang porma ng edukasyon, dagdag ni Guillermo, ay hindi na para pagsilbihan ang bansa.

Mahalaga ang papel ng wikang Filipino, ayon kay de Quiros, hindi lang sa pakikipagkomunikasyon, kundi para sa pagpapanday ng lipunang pinagsisilbihan ang masa. Ito ang bibigkis at lilikha ng kamalayan upan palakasing ang kontra-hegemonya at dominasyon ng mga mananakop ng bansa. Ang mga hakbang upang pataying ang Filipino sa kamalayan ng mamamayan at palitang ng wikang Ingles ay nangangahulugan lamang ng pagpapalaks ng kawing sa kadena ng Pilipinas sa Estados Unidos. Ipinagkakait satin ang sarili nating pagkakakilalanlan upang madali tayong mapasailalim sa kanilang dominasyon. Sa suri ni Lumbera (2017), ito mismo ang wikang mapagsamantala. Ito ang wikang nagluluklok ng mga naghaharing uri sa burukrasta, nagpapayaman sa mga panginoong maylupa, at nagpapalaki ng kapital ng mga burgesya-kumprador. Wikang Ingles ang syang wikang nananamantala sa mga manggagawa sa pabrika, nagkakamal sa pera ng taumbayan, nandarambong sa lupa ng mga mangsasaka, at nang-aalipin sa mga mahihirap na Pilipino.

Ang diskurso sa gitna ng paggamit ng wikang Filipino at wikang Ingles ay may kasaysayan ng tunggalian ng uri, kolonyalismo, at imperyalismo at kung titignan natin ang kasalukuyang penomenon ng wikang Filipino sa kontemporaryong panahon nang wlang pagkakaintindi sa social power dynamics, ang ganitong diskurso ay magtutunog pangil laban sa sarili nating identidad bilang Pilipino. Ika nga ni E. San Juan (2008) bago tayo mag-away away sa kung ano ba talaga ang kahulugan ng wikang Filipino, palayain muna natin ang ating bayan. “Dapat gamitin ang lahat ng wika, pambansa man o bernakular, sa pakikibaka.” (San Juan, 2008). Mas mahalaga pagtuonan ng pansin kung paano natin ilalapat at paggamit ng wikang Filipino sa mga problema ng bansa at pakikibaka ng mga aping mamamayann. Kaya naman ang wikang Filipino, bilang kakambal ng kultura, ay hindi nakakulong sa mga museo, hindi nanakulong sa mga libro, hindi nakasulat lamang sa ating mga kwaderno — kundi ito ay buhay, lumalago, umuunlad, nagbabago. Sabi nga ni Simoun sa El Filibusterismo, “…habang napag-iingatan ng isang bayan ang kaniyang wika, napag-iingatan din nito ang katibayan ng kaniyang paglayà … Ang wika ang pag-iisip ng bayan.”

Sanggunian

Althusser, L. (1971). Ideology and ideological state apparatuses. New York: Monthly Review Press.

Constantino, R. (1966, June 8). Ang Lisyang Edukasyon ng Pilipino. (L. M. Martinez, Trans.) Weekly Graphic.

Constantino, R. (1996). Intelektuwalismo at Wika. In P. C. Constantino, & M. M. Atienza (Eds.), Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Quezon City: University of the Philippines Press.

Guillermo, R. (2016, December 9). Labintatlong Tesis Hinggil sa Wikang Pambansa. (TVUP, Producer, & TVUP) Retrieved from Youtube: https://www.youtube.com/watch?v=QOMIdxPBdXg

Lumbera, B. (2017). Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin. Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines, 5.

Lumbera, B., Guillermo, R., & Alamon, A. (2007). Introduksyon. Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines, iv.

San Juan, E. J. (2008). Sneaking into the Philippines, Along the Rivers of Babylon: An Intervention into the Language Question. USA: Philippines Cultural Studies Center.

[1] “General Education Curriculum: Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies”

[2] “Establishing the Policy to Strengthen the Use of English in the Educational System.”

[3] “An Act Providing for the Use of English as a Medium of Instruction in Philippine Schools”

[4]

Explanatory Note… As a result of this policy (The Bilingual Policy), learning of the English language suffered a setback. One of the reasons for this setback according to linguists is language interference. Targeting the learning of two languages (English and Filipino) is too much for Filipino learners, especially those in the lower grades. If a child happens to be a non-Tagalog speaker, he/ she must learn two “foreign” languages at the same time — truly a difficult, even impossible task… Another reason is that the use of Filipino… as a medium of instruction… limits the exposure of the learner to English… Books in almost all disciplines especially in mathematics and science are in English. Without adequate mastery of the English language, our young people will lag behind in mathematics and science which are fundamental disciplines to develop our global competitiveness…

--

--